-- Advertisements --

Tatlong hinihinalaang miyembro ng bandidong Abu Sayyaf na inaresto ng Royal Malaysian Police ang tinurn-over kay Western Mindanao Command (Wesmincom)Commander Lt.Gen. Cirilito Sobejana ng magtungo ito sa Turtle Island, Tawi-Tawi nuong June 7,2020.

Mismong si Gen. Sobejana at Turtle Island mayor Mohammad Faizal Jamalul ang tumanggap sa tatlong hinihinalaang bandido mula sa Malaysian authorities sa may maritime boundary ng Pilipinas at Malaysia, malapit sa Great Bakungan Island.

Sa panig ng Malaysian authorities si Eastern Sabah Security Command chief DCP Datu’ Hazani Bin Ghazali ang mismong nag turn -over sa tatlong Pinoy kay Gen. Sobejana.

Sa ngayon, nananatili sa kustodiya ng Joint Task Force Tawi-Tawi ang tatlo para sumailalim sa verification and validation.


Nakilala ang tatlong suspected ASG members na sina: Sison Masillam, 48-anyos; Abdulhakim Alih, 25 at Ridzwan Julasri, 18.


Naaresto ang tatlong hinihinalaang bandido ng Royal Malaysian Police sa may Kuala Maraup, Lahad Datu, Sabah nuong May 30,2020.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Sobejana, batay sa ginawang pagsisiyasat ng JTF Tawi-Tawi nabatid na ang tatlong Pinoy na nahuli sa Sabah ay mga agar-agar farmers at hindi miyembro ng teroristang grupo.

Kwento ni Sobejana, galing sa Lugus, Sulu ang tatlo at patungo ng Tawi-Tawi para sunduin ang may sakit na buntis na anak ng isa sa tatlong nahuling indibidwal para dalhin pabalik ng Sulu, pero dahil nauubusan ng gasolina napadpad ang tatlo sa Malaysian waters.

” Initially they were suspected Abu Sayyaf members, dahil very unusual makarating duon ang ating mga kababayan at baka ginawang dahilan na nasiraan at nauubusan ng gasolina, pero nung binirefy natin mula sa kanilang point of origins napag alaman na wala silang kinalaman sa teroristang grupo,” paliwanag ni Lt Gen. Sobejana.