-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Natukoy na ng mga pulis ang tatlong miyembro ng Martilyo Gang na nang-hold-up sa dalawang jewelry stores sa Gaisano Grand Mall sa Brgy. Singcang Airport, Bacolod City kung saan P4.5-milyon ang halaga ng mga alahas na natangay.

Sa interview ng Bombo Radyo sa commander ng Police Station 8 na si P/Maj. Charles Gever, hindi bababa sa 10 mga suspek ang nanloob sa F&C Jewelry Store at Haoling Jewelry Store.

Binubuo ito ng walong mga kalalakihan na pumasok sa mall samantalang ang dalawa naman ay nagsilbing mga look-out sa labas ng mall.

Sa ngayon ayon kay Gever, natukoy na ang tatlong mga suspek ngunit hindi pa mapapangalanan.

Dagdag nito, ang tatlo ay may pending na warrant of arrest dahil din sa kasong robbery at hindi sila mga taga-Bacolod.

Tinitingnan din ng otoridad na may mga kasamahan ang mga ito na taga-Bacolod.

Naniniwala naman ang hepe na hindi pa nakakalabas sa Negros ang mga suspek.

Makikita sa CCTV footage na isa lang sa mga suspek ang bumili ng martilyo, piko at iba pang tools sa hardware sa loob mismo ng mall at nang makabili na ito, doon naman pumasok ang ibang mga suspek.

Naniniwala naman si Gever na planado ang krimen dahil iba ang bumasag sa mga estante at iba naman ang kumuha ng mga alahas.