Patung-patong na kaso ang isinampa ng PNP Anti-Kidnapping Group (AKG) laban sa naarestong pulis at dalawang iba pa na miyembro ng “Ricky Barios Syndicate” na nakasagupa ng mga pulis nuong isang araw sa San Pablo, Laguna na ikinasawi ng limang suspek at isang pulis.
Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo kay PNP-AKG Director SSupt. Glen Dumlao kaniyang sinabi na kasong kidnapping for ransom, Multiple Frustrated Homicide, Homicide, Robbery, Carnapping at Illegal Possession of Firearms and Explosives ang isinampa nila laban kay SPO2 Leo Leal Pamonag, Lalaine Barrios at Glen Tancingco.
Sinabi ni Dumlao, kasalukuyang mananatili muna sa kustodiya ng AKG ang tatlong mga suspek habang nagpapatuloy ang imbestigasyon lalo na sa pagtukoy kung sino ang mas mataas na opisyal na principal nito.
Pina-iimbestigahan din ni Dumlao sa PRO-4A ang lahat ng mga kaso ng homicide under investigation kung saan sangkot ang grupo ni SPO2 Pamonag.