CENTRAL MINDANAO- Tukoy na ang mga suspek na namaril sa mga kawani ng Davao Rescue 911 sa lalawigan ng Maguindanao.
Nakilala ang mga suspek na sina Mon Pangawilan, Joros Guiamad at ang kanilang lifer na si Abdul Latip Pindaliday alyas Kumander Grasscutter na miyembro umano ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF).
Nasawi sa pamamaril si Waquin Fidel Fordaliza,36 anyos,residente ng Lanang Davao City at ligtas kanyang kasama na si Rigo Marie Bismanos,23,naninirahan sa Toril Davao City at mga Emergency Medical Technician ng Davao Rescue 911.
Ayon sa ulat ng Maguindanao Police Provincial Office na patungo sana ng General Santos City ang mga biktima sakay ng Montero Sports na may plakang NCT-4497 mula sa Davao City.
Pagsapit nila sa Brgy Alip Datu Paglas Maguindanao ay bumaba ang mga biktima para bumili ng saging nang bigla itong lapitan ng grupo ni Kumander Grasscutter at pinagbabaril si Fordaliza.
Mabilis namang tumakas ang mga suspek lulan ng motorsiklo patungo sa liblib na lugar sa bayan ng Datu Paglas.
Patay on the spot si Fordaliza nang magtamo ito ng maraming tama ng bala sa ibat-ibang parte ng kanyang katawan habang ligtas si Bismanos.
Sa ngayon ay patuloy na pinaghahanap ng pulisya ang mga suspek at isinampa na rin sa Maguindanao Provincial Prosecutor Office ang kasong murder.