-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Dead on the spot ang dalawang suspek ng robbery hold-up/carnapping habang namatay sa pagamutan ang isa pang suspek matapos silang makipagbarilan sa mga pulis sa La Trinidad, Benguet, bandang 12:35 kagabi.

Sa initial report ng pulisya, nakatanggap ang mga intel operatives at mobile patrol ng La Trinidad MPS ng tawag ukol sa tatlong kahina-nilang kalalakihan lulan ang isang red Mitsubishi Lancer sedan na may plakang WIN-580.

Sa initial verification ng PNP sa LTO, napag-alamang ang nasabing plaka ay naka-assign sa isang Mitsubishi Adventure.

Pumarada ang kotse sa isang gasolinahan habang tinawagan ng engaging team ang mobile team ng La Trinidad PNP para siyasatin ang mga pasahero ng kotse.

Lalapitan na sana ng mga pulis ang kotse nang biglang pagbabarilin ng mga lulan ng kotse ang mga ito bago sila tumakas sa direksion ng Lamut-Shilan Road.

Hinabol ng mga operating units ang papatakas na sasakyan at tumawag sila ng tulong sa iba pang units ng HPG-CAR.

Humarang naman sa escape route ng mga suspek ang responding units ng Special Operations Division at Regional Highway Patrol Unit ng Highway Patrol Group-Cordillera.

Bumangga ang kotse ng mga suspek sa gilid ng daan kaya na-corner ang mga suspek ngunit sa kabila ng warning mula sa mga pulis sa pagsuko ng mga suspek, sinubukan ng mga itong tumakas kasabay ng pamamaril nila sa mga pulis.

Dahil dito, nag-return fire ang engaging team na nagresulta sa maikling shoot-out na agad ikinasawi ng dalawa sa mga suspek na parehong nagtamo ng mga fatal gunshot wounds.

Dinala naman sa pagamutan ang isa pang suspek na nagtamo din ng mga tama ng bala ng baril.

Bagaman walang casualty sa hanay ng mga otoridad, nagtamo naman ng mga bala ng baril ang sasakyan ng LTMPS.

Sa ngayon, iniimbestigahan na ng mga otoridad ang pagkakakilanlan ng mga suspek.