-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Nasa tatlong suspek ang nasawi habang sugatan naman ang isang pulis sa inilunsad na search warrant operation nang pinagsanib na pwersa ng Pikit PNP at Armed Forces of the Philippines sa Brgy. Macabual, Pikit, Cotabato.

Kinilala ng Pikit PNP ang mga nasawing suspek na sina Maano Sanday, Norman Samsudin na parehong mga taga Brgy. Macabual, Pikit at Baganian Baguinda Alimao, 65 anyos, na residente Sitio Galigayanen, Sa parehong barangay.

Ang mga nasawi ay kasabwat umano ng nakatakas na suspetsadong si Abdullah Kurdotoy at Jonathan Kadalem, parehong mga residente pa rin ng nasabing barangay.

Napag-alan na may standing warrant of arrest sa kasong Murder at Attempted Murder ang mg suspek.

Narekober mula sa mga nasawi ang dalawang M16 Riffle, dalawang bandoliers, isang home made shotgun, dalawang short steel M16 magazine, 48 live ammunition, at iba pa.

Sugatan naman ang isang miyembro ng 45 SAC, SAF na si PCpl Eric Saltin Buslayan na kasalukuyang nagpapagaling na rin sa hospital.

Ayon sa pulisya habang isinasagawa ang police operation ay una silang pinaputukan ng mga hindi pa nakikilalang grupo, na nagresulta sa palitan ng putok ng mga operatiba at mga suspek.

Dinala pa sa pinakamalapit na pagamutan ang mga suspek ngunit idineklarang dead on arrival na ng mga doktor.

Hinigpitan pa sa ngayon ang seguridad sa lugar sa posibleng retalliatory attack ng nga kasamahan ng mga nasawi habang hinahabol ang mga nakatakas.