-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Nahuli ng pinagsanib na pwersa ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) pulisya at mga Barangay opisyal ang tatlong suspek sa masaker sa magkakamag-anak sa probinsya ng Cotabato.

Nakilala ang mga suspek na sina Nasser Noh Ali alyas Selna, 30 anyos ,Abubakar Bernan, 26 at Salahudin Nando Noh alyas Datukan, 21, mga residente ng Sitio Edsap Barangay Lagunde Pikit North Cotabato.

Ayon kay Pikit Chief of Police,Captain Mautin Pangandigan na inaresto ng grupo nina Kumander Abu Sabaya ng 118th Base Command (BC) ng Bangsamoro Islamic Armed Forces (BIAF) ng MILF, Ustadz Ahmad Noh ng BIAF 105th BC, Kumander Sabre Pandita, Kumander Abubakar Karim ng BIAF 108th BC at Brgy Lagunde Brgy Kapitan Sindato Karim ang mga suspek na kamag-anak lamang ng mga biktima.

Hindi na umano nakapalag ang mga suspek nang mapalibutan sila ng MILF Forces at agad sumuko.

Sinabi naman ni Kumander Hadji Bayan Abas ng 108th BC ng Eastern Mindanao Front BIAF-MILF na ang tatlong suspek ay itinuro ng mga nakaligtas sa masaker.

Ang mga nahuling suspek ay agad tinurn-over ng MILF kay Pikit Chief of Police Captain Mautin Pangandigan,Cotabato Board Member Dulia Sultan at Pikit Mayor Sumulong Sultan.

Matatandaan na pinagbabaril ng mga suspek gamit ang M16 Armalite ang mga biktima sa loob ng kanilang tahanan sa Sitio Tugunan Brgy Lagunde Pikit Cotabato.

Nakilala ang mga nasawi na sina Sittie Alipolo Abdullah, 58 anyos,byuda, Zenaida Abdullah Mustapha, 36, may asawa, Laga Abdullah, 34,dalaga at Ashley Abdullah Panigas, tatlong taong gulang.

Sugatan naman sina Ryan Abdullah Abedin, 13 anyos, Raad Abdullah Abedin, 7, Asria Abdulrajak Abdullah, 30 at Asya Abdullah, 8.

Sa ngayon ay nakapiit na ang mga suspek sa costudial facility ng Pikit Municipal Police Station at nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso.