CENTRAL MINDANAO- Sinampahan na ng kasong Multiple murder at multiple frustrated murder sa korte ang tatlong suspek sa masaker sa magkakamag-anak sa probinsya ng Cotabato.
Nakilala ang mga suspek na sina Nasser Noh Ali alyas Selna, 30 anyos,Abubakar Bernan, 26 at Salahudin Nando Noh alyas Datukan, 21, mga residente ng Sitio Edsap Barangay Lagunde Pikit North Cotabato.
Matatandaan na sumuko sa grupo nina Kumander Abu Sabaya ng 118th Base Command (BC) ng Bangsamoro Islamic Armed Forces (BIAF) ng MILF, Ustadz Ahmad Noh ng BIAF 105th BC, Kumander Sabre Pandita, Kumander Abubakar Karim ng BIAF 108th BC at Brgy Lagunde Brgy Kapitan Sindato Karim ang mga suspek na kamag-anak lamang ng mga biktima.
Noong nakalipas na linggo ay pinagbabaril ng mga suspek gamit ang M16 Armalite rifle ang mga biktima sa loob ng kanilang tahanan sa Sitio Tugunan Brgy Lagunde Pikit North Cotabato.
Nakilala ang mga nasawi na sina Sittie Alipolo Abdullah,58 anyos,byuda,Zenaida Abdullah Mustapha,36,may asawa,Laga Abdullah,34,dalaga at Ashley Abdullah Panigas,tatlong taong gulang.
Sugatan naman sina Ryan Abdullah Abedin,13 anyos,Raad Abdullah Abedin, 7, Asria Abdulrajak Abdullah, 30 at Asya Abdullah, 8.
Pakay umano ng mga suspek ang baril na M16 Armalite rifle na pagmamay-ari ng isang BPAT na kamag-anak ng mga biktima.
Nang hindi makita ng tatlo ang armas ay doon na nila pinagbabaril ang pamilyang Abdullah kung saan apat ang nasawi at apat ang nasugatan.
Ang tatlong mga suspek ay mga miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Sa ngayon ay nakapiit na ang tatlo sa District Jail sa Kidapawan City.