Nadakip na ng Philippine National Police at Philippine Army ang tatlong suspek sa pamamaril-patay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo sa kasagsagan ng hot pursuit operation sa Bayawan city.
Natukoy ang mga suspek na dating mga military servicemen na sina Joric Labrador y Garido, 50 anyos na dating sundalo at residente ng Cagayan De Oro, Ranger Joven Aber y Calibjo 42 anyos na dating Army at residente ng La Castellana, Negros Occidental at Ranger Benjie Rodriguez y Buladola, 42 anyos na dating Army at residente ng Mindanao.
Naaresto ang mga suspek sa may Barangay Cansumalig dakong alas-4:20 ng hapon.
Ayon sa mga imbestigador, nasa anim na gunmen ang suspek na nakasuot ng pixelized uniforms at armado ang mga ito ng malalaking baril.
Gumamit ng tatlong getaway vehicle ang mga suspek at natagpuang inabandona ang mga ito sa may Barangay Cansumalig.
Sa ngayon, patuloy ang paggulong ng imbestigasyon sa motibo sa krimen.
Una rito, nangyari ang pamamaril sa Gobernador habang kinakausap nito ang kaniyang mga kababayan na benepisyaryo ng 4Ps (Pantawid Pamilyang Pilipino Program) sa harapan mismo ng kaniyang bahay sa Barangay San Isidro, Pamplona nang ilang grupo ng mga ramadong indibidwal na nakadamit pa ng army at navy battle gear na lulan ng dalawang SUVs saka pinagbabaril ang gobernador ng maraming beses at may limang sibilyan ang nadamay at nasawi sa krimen.
Kung maaalala, nagsilbi si Degamo bilang gobernador ng Negros Oriental mula Enero 5, 2011 at nauna ng natalo ng kaniyang kalaban sa pagka-Gobernador noong nakalipas na May 2022 elections.
Subalit matapos na mapawalang bisa ang proklamasyon ng kaniyang katunggali sa pwesto, nagpasya ang Korte Suprema na ideklarang panalo si Degamo matapos na ang boto na nakuha ng isang nuisance candidate ay napunta pabor kay Degamo.