DIPOLOG CITY – Faulty electrical wiring umano ang nakikitang dahilan ng mga otoridad na posibleng dahilan ng pagkasunog ng walong kabahayan sa Brgy. Don Andres, Ipil, Zamboanga Sibugay.
Gayunpaman, patuloy pa rin ang ginagawang imbestigasyon upang matukoy ang totoong dahilan ng sunog na kumitil sa buhay ng isang tatlong taong gulang na batang lalaki.
Kinilala ang biktima na si Fairan Mabol Hannan.
Base sa report ng Ipil PNP, tinupok umano ng apoy ang walong kabahayan na gawa sa light materials na pagmamay-ari nina Faikh Aradji Hannan, Virginia Manolong, Noel Hechanova, Farrah Hechanova, Shiela May Hechanova, Jocelyn Bonlugne, Jose Ariola at Ramon Ariola.
Umabot sa mahigit isang oras bago ideklarang fire out ng mga otoridad naman sa tinatayang P100,000 ang naging danyos ng naturang sunog.