-- Advertisements --

Minaliit ng kampo ni Sen. Leila de Lima ang naging pagharap ng ilang testigo sa pagdinig ngayong araw sa drug cases na kinakaharap nito sa Muntinlupa Regional trial Court (RTC) Branch 205.

Ayon kay Atty. Raymond Baguilat, abogado ni De Lima, nabigo ang prosekusyon na maipakita ang kaugnayan ng kaniyang kliyente sa anumang iligal na aktibidad sa New Bilibid Prisons (NBP).

Ang unang isinalanag daw kasing si Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) Chairman Dante Jimenez ay umaming walang personal na kaalaman sa kasong inihain nila ng grupong VACC laban sa mambabatas.

Ang pangalawa naman na certain “Agent Javier” ay walang dalang original document at pinababalik sa Agosto 16, 2019.

Habang ang pangatlong testigo na certain “Agent Lugay” ay tinanong ng panig ng depensa kung “above board” ang isinagawang raid sa NBP, at ang sagot daw nito ay “oo,” na nangangahulugang normal na proseso at hindi maituturing na iligal.

Sa paniwala ni Atty. Baguilat, nabigong makapuntos ang kampo ng prosekusyon at ito raw talaga ang kanilang inaasahan.

Samantala, wala pa namang inilalabas na pahayag hinggil dito ang prosekusyon.