Kinumpirma ni Interior and Local Government Secretary Eduardo Año na nasa tatlo hanggang limang pangalan ng mga police generals ang kabilang sa shortlist na kaniyang isusumite kay Pangulong Rodrigo Duterte para kaniyang pagpipilian bilang susunod na pinuno ng pambansang pulisya at papalit sa pwesto ni PNP Gen. Guillermo Eleazar na magreretiro na sa serbisyo sa darating na November 13, 2021.
Inamin ni Sec. Año na tinalakay noong October 19, 2021 sa Malacanang ang magiging successor ni Eleazar bilang PNP chief sa ginawang Talk to the People ng pangulo.
Ayon kay Año, humingi ng sapat na panahon ang pangulo para makapag-isip at makapag decide kung sino ang kaniyang ipapalit kay Eleazar para pamunuan ang PNP, dahil maraming qualified police generals ang nagko-compete para sa top PNP post.
Binigyang-diin ng kalihim, ang ia-appoint ni Pangulong Duterte na next chief PNP ay ang kaniyang huling appointment sa ilalim ng kaniyang termino kaya dapat lamang na pag-isipan ito ng mabuti.
Una nang sinabi ni Sec. Año sa Bombo Radyo, na nakatakda nitong isumite ang shortlist sa pangulo sa huling linggo ng kasalukuyang buwan ng Oktubre o sa susunod na Linggo.
Binigyang-diin ng kalihim, seniority, merit at service reputation ang magiging basehan sa kaniyang rekomendasyon bilang susunod na chief PNP.
Si Eleazar ang pumalit sa pwesto ni dating PNP chief, retired Gen. Debold Sinas.
Kung susundin ang rule of succession, ang mga posibleng contenders para sa susunod na PNP Chief ay sina Lt. Gen. Joselito Vera Cruz, The Deputy Chief for Administration (TDCA), ang second-highest official ng PNP; Lt. Gen. Israel Ephraim Dickson, The Deputy Chief for Operations (TDCO), third-highest official; Lt. Gen. Dionardo Carlos, The Chief Directorial Staff (TDCS) 4th-highest official ng PNP.
Sina Sinas, Eleazar, Vera Cruz at Dickson ay mag-mistah kapwa miyembro ng Philippine Military Academy Class of 1987.
Habang si Carlos ay miyembro ng PMA Class of 1988.
Matunog din ang pangalan ni NCRPO chief M/Gen. Vicente Danao Jr., na kilalang malapit kay Pangulong Duterte.
Si Danao ay miyembro ng PMA Class of 1991.