BACOLOD CITY – Labis ang pasasalamat ng mga residenteng apektado ng malaking sunog sa Purok Cagaycay, Barangay 2, Bacolod City kasabay ng kanilang pagtanggap ng maraming donasyon nitong Huwebes ng hapon.
Ang Bombo Oplan Kabalaka ay inilunsad ng himpilan nitong Lunes ng tanghali kasunod ng malawakang sunog na kumain ng 250 mga bahay sa Purok Cagaycay, Lunes ng madaling-araw.
Kaagad na bumuhos ang tulong para sa mga fire survivors kasunod ng positibong pagtugon ng mga residente sa Bacolod City at Negros Occidental sa panawagan.
May mga nagbigay ng used clothing, bigas, canned goods, noodles, gamit panluto, toiletress, school supplies at iba pang pangangailangan ng mga fire survivors.
Matapos ang mahigit dalawang araw, umabot sa tatlong truck ang kabuuang donasyon na nakolekta ng Bombo Radyo Bacolod at inihatid na kaninang hapon sa evacuation center.
Ito ay pinaghahati-hati sa mahigit 200 pamilya na nananatili ngayon sa Andres Bonifacio Elementary School (ABES) II.
Labis naman ang pasasalamat ng mga residente sa lahat ng nagbigay ng tulong.
Nagpapasalamat din ang Bombo Radyo Bacolod sa tiwala ng mga donors na makakarating sa mga residente ang kanilang donasyon.