-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Sugatan ang limang katao kasama ang tatlong turistang Korean national matapos na salpukin ng isang motorsiklo ang kanilang sinasakyang tricycle dakong alas-4:45 ng madaling araw sa kahabaan ng Jaime Cardinal Sin Avenue, Brgy. Pook, Kalibo, Aklan.

Kinilala ang mga biktima na sina Gyuri Kim, 50, Mi Hyang, 51, Hyebin Yun, 51, pawang mga Korean national; at ang kanilang tour guide na si Mark Anthony Francisco.

Kasama rin sa nasugatan ang driver ng tricycle na si Junifer Imperial at ang rider nito na si Iris Christian Villaruel, 19, residente ng Brgy. New Buswang, Kalibo, na umano’y walang lisensiya at lasing habang nagmamaneho.

Ayon sa mga nakasaksi, over speeding umano ang motorsiklo kung kaya’t sinuwag nito ang nasa unahang tricycle na sinasakyan ng mga turista habang pabalik ng Kalibo International Airport matapos na kinansela ang biyahe ng mga motorbanca papuntang isla ng Boracay.

Dahil dito, nasugatan ang mga biktima na agad na isinugod sa pribadong ospital pati na ang driver ng motorsiklo at tricycle na dinala sa Aklan Provincial Hospital.

Nabatid na magbabakasyon sana sa Boracay ang mga Koreano, subalit dahil sa kanselasyon ng biyahe ng motorbanca dulot ng bagyong Tisoy ay inabisuhan ang mga ito na mag-check-in sa isang hotel sa loob ng bisinidad ng Kalibo International Airport.