-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Tatlong turista na naman ang hinuli matapos gumamit ng mga umano’y pekeng RT-PCR test result sa Boracay.

Ayon kay Lt. Col. Don Dicksie de Dios, hepe ng Malay Municpal Police Station, tumawag sa kanila ang staff ng Aklan Provincial Tourist Validating Office upang ipaalam na may tatlong turista ang nakapasok sa Boracay gamit ang pekeng swab test results.

Ang mga turista na pawang galing sa AFP Housing, Zone 5 Bulihan, Silang, Cavite ay kinabibilangan ng dalawang babae at isang lalaki na may edad 56, 55 at 64-anyos.

Matapos sunduin sa tinutuluyang hotel, dinala ang mga ito sa quarantine facility sa Kalibo, Aklan para isailalim sa swab test.

Kakasuhan umano sila ng paglabag sa Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act at falsification of documents.

Samantala, target ng Malay Municipal Tourism Office ng LGU-Malay ang 30,000 na tourist arrivals sa pagtatapos ng buwan ng Hulyo.

Ikinatuwa rin nila ang pananatili ng Aklan sa General Community Quarantine (GCQ) with hightened restrictions na nangangahulugang hindi na muling isasara ang isla ng Boracay.

Una rito, inirekomenda ng Inter-Agency Task Force (IATF) na maisailalim sa MECQ ang Aklan mula July 16 hanggang 31.