-- Advertisements --

Nakatakdang ihain ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ngayong linggo ang mga kaso laban sa 3 umano’y Chinese spies na naaresto noong Pebrero 14 sa Laguna.

Ito ay habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa umano’y pagkakasangkot ng nasabing mga dayuhan sa mga aktibidad ng pagi-ispiya, ayon kay PAOCC USec. Gilbert Cruz.

Ang mga nadakip na dayuhan ay mahaharap sa mga kasong paglabag sa immigration laws at pag-operate nang walang dokumentasyon.

Kaugnay nito, tinalakay nina USec. Cruz kasama ang mga opisyal ng Department of Justice, Bureau of Immigration at PNP-Criminal Investigation and Detection Group ang mga kaso at kagamitang narekober sa ikinasang raid sa isinagawang case conference kahapon.

Sa pagsalakay kasi ng mga awtoridad, nadiskubre din ang telecommunications equipment sa site kung saan umano ginagawa ng mga Chinese national ang mga gawaing kriminal.

Ayon kay USec. Cruz, nag-ooperate ang naturang mga suspek sa mahigit isang taon na, mas matagal kesa sa umano’y sleeper agent na si Yuanqing Deng na naaresto noong Enero 17 sa Makati. Tinitignan na din aniya kung may koneksiyon ang mga ito.