-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Umakyat na sa tatlo ang natuklasang pinaniniwalaang sinkhole sa upland barangay ng Pinagdapugan sa Polangui, Albay.

Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Polangui Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council (MDRRMC) head Socorro Sambitan, unang natuklasan ang isang butas sa loob ng elementary school sa lugar na nasa 1.5 metro ang diametro at 2.4 metro ang lalim.

Sa isinagawang pagsusuri sa lugar kahapon, nakita ang dalawa pang butas sa lupa sa likurang bahagi ng paaralan at malapit sa residential area.

Naniniwala si Sambitan na may kaugnayan sa saturated na lupa dulot ng malakas na bagsak ng ulan ang mga sinkholes na pinangangambahang lumaki pa.

Off-limits na rin sa mga naturang lugar ang mga estudyante maging ang iba pang residente upang makaiwas sa anumang aksidente.

Samantala, nag-abiso naman ang opisyal sa barangay council na maging mapagmatyag lalo na sa iba pang posibleng matuklasan na kaparehong butas sa lupa sa bayan.