-- Advertisements --

Posibleng idineploy umano ng China ang 3 underwater drones na narekober mula sa katubigan ng Pilipinas.

Ayon kay Philippine Navy Spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Roy Vincent Trinidad, ito ang resulta ng forensic investigations na isinagawa sa tatlo mula sa 5 nadiskubreng drones.

Ipinaliwanag ni Comm. Trinidad sa isang press briefing sa Camp Aguinaldo na may 55% hanggang 80% na tiyansang mula ito sa China dahil sa nakitang components sa loob ng mga drone.

Ayon pa sa opisyal, base ang mga resulta sa analyses ng submersible drones na natagpuan sa Pasuquin, Ilocos Norte noong Hulyo 2022, Calayan Island noong Agosto 2024 at Initao, Misamis Oriental noong Oktubre 2024.

Maliban dito, may nadiskubre din ang Philippine Navy na 2 iba pang underwater drones sa Zambales noong Setyembre 2022 at sa San Pascual, Masbate noong unang bahagi ng taon.

Napag-alaman din na nagkaroon ng kontak ang isa sa drone sa isang indibidwal sa China nang suriin ang SIM card nito.

May kapasidad aniya ang drones na matanggap, maproseso, ma-store at ma-transmit ang data sa pamamagitan ng satellite communications sa isang istasyon na nasa lupa, sa isang mother ship o sa ibang drones.

Sinabi din ni Comm. Trinidad na naglalaman ang ilang drones ng mahahalagang datos na maaaring may military applications. Napakalinaw aniya na ginamit ang mga ito para sa pagkolekta ng impormasyon sa underwater terrain gaya ng bathymetric data.

Isinagawa ang naturang forensic analyses sa mga drone sa tulong ng Amerika.