MANILA – Tatlong variant ng coronavirus disease (COVID-19) na ang binabantayan ngayon ng Pilipinas, ayon sa Department of Health (DOH).
“Sa ngayon mayroon na tayong tatlong variant na binabantayan: una, yung sa UK type na variant, sa South Africa, and there’s this identified variant sa Malaysia,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.
Pinalalakas na ng Health department ang biosurveillance sa pamamagitan ng pangongolekta ng samples mula sa iba’t-ibang bahagi ng bansa para sa “genome sequencing.”
Bukod kasi sa magkakaibang coronavirus variant na inireport ng tatlong bansa, binabantayan na rin ng international health authorities ang umano’y iba pang COVID-19 variant sa Nigeria.
“When you do your whole genome sequencing, hindi lang UK variant ang makikita mo diyan. Whatever type of variants that are existing in these genome that you have tested makikita mo. Kaya marami na sigurong na-identify.”
Ayon sa opisyal, inalerto na nila ang regional offices ng ahensya para makakuha pa ng karagdagang samples na maipapadala sa Philippine Genome Center (PGC), na nagsasagawa ng nabanggit na proseso.
Sa huling report ng PGC, nasa 305 samples pa lang ang kanilang napag-aralan mula sa mga pasyente ng COVID-19 noong Nobyembre at Disyembre; at mga biyahero na galing sa mga bansang may kaso ng UK variant.
“The initial 300 samples that were tested by the PGC were just initial, this is a continuing surveillance system that we have established already,” paliwanag ni Vergeire.
“We’re getting samples from the different regions, specifically from Visayas and Mindanao, because we would like to see if these areas mayroon tayong makita at mai-whole genome sequencing natin baka sakali ma-determine kung may variant tayo sa mga lugar na ‘to.”
Sa gitna ng banta na makapasok ang iba’t-ibang variants ng COVID-19 sa Pilipinas, isa lang paalala ng ahensya. Ito ay ang panatilihin ang striktong pagsunod sa health protocols para maiwasan ang banta ng coronavirus.
“Kahit anong variant, strain, mutation, ituloy lang natin ang minimum public health standards kasi with all of these news hindi naman nabago ang mode of transmission. Yun pa rin, (through) droplet infection.”
“Kapag mababa ang kaso natin, mababa rin ang tsansa na magkaroon tayo ng variant sa bansa.”