Iniharap ni PNP chief Gen. Ronald Dela Rosa sa mga miyembro ng media ang tatlong naarestong suspek na mga miyembro umano ng vigilante group na sangkot sa iba’t ibang kaso ng mga extrajudicial killings.
Sinabi ni Dela Rosa na 10 ang nasabing grupo at arestado na ang tatlo ngayon na umano’y mga miembro ng civilian volunteer organization ng kanilang barangay pero umaaktong mga taga-tumba ng mga pinaghihinalaang drug addict o mga kriminal.
Kinumpirma ni Dela Rosa na nasasangkot din ang tatlo sa tatlo pang mga insidente ng EJK.
Ibinunyag din ng PNP chief na ang pagka-aresto ng mga suspek ang magpapatunay na mayroon talagang mga nakisabay o nakisakay sa war on drugs ng PNP na pumapatay ng mga drug suspects.
Naaresto sina Manuel Murillo alias Joel, Marco Morallos alyas Naldo, Alfredo Alejan alias Jun na isinasangkot sa pagpatay kay Charlie Saladaga, 16, na natagpuang wala nang buhay at nakasilid sa sako habang palutang-lutang sa baybayin ng Isla Puting Bato,Tondo, Maynila noong January 2, 2017.