-- Advertisements --

Umabot na sa P14.22 million ang halaga ng pinsalang idinulot ng walang tigil na pag-ulan at pagbahang dala ng shear line, intertropical convergence zone (ITCZ), at northeast monsoon.

Ang naturang danyos ay natukoy mula sa rice industry, high-value crops, mais, makinarya, at ilang pasilidad.

Binubuo ito ng P10.1 million na halaga ng pinsala sa rice industry, at P3.4 million sa livestock. Ang nalalabi ay pinaghati-hatian na ng iba pang industriya.

Aabot naman sa 1,379 magsasaka ang kumpirmadong apektado.

Tiniyak naman ng Department of Agriculture-Disaster Risk Reduction and Management (DA-DRRM) Operations Center ang nakahandang intervention o tulong para sa mga apektadong magsasaka tulad ng iba’t-ibang agricultural inputs at ang paggamit sa quick response fund (QRF), loan program, at indemnification fund.

Ayon sa DA, posibleng magbago pa ang naturang datos habang nagpapatuloy ang ginagawang assessment sa ground level.