Tatlong weather system ang patuloy paring makakaapekto sa bansa nariyan ang shear line, easterlies, at northeast monsoon o amihan.
Ayon sa Weather Bureau Specialist ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), ang pagsanib ng mainit at malamig na hangin o shear line ay nagdudulot ng mga kalat-kalat na pag-ulan at isolated thunderstorms sa mga rehiyon ng Bicol, Mimaropa (Mindoro, Marinduque, Romblon at Palawan), Eastern Visayas, at Quezon province.
Ang easterlies o mga hangin mula sa silangan na dumadaan sa karagatang pasipiko na nagdadala ng maalinsangan at mainit na panahon ay inaasahang makakaapekto rin sa mga rehiyon ng Caraga, Davao, Sarangani, at South Cotabato kung saan mararanasan ang maulap na papawirin.
Magdudulot din ng mga isolated na pagbuhos ng ulan o thunderstorms ang mararanasan sa ibang bahagi ng Visayas at Mindanao sa loob ng 24 oras.
Samantala, ang northeast monsoon ay patuloy na makakaapekto sa Metro Manila at ang iba pang bahagi ng Luzon kung saan asahan ang bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan.
Ang Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region, at Aurora ay magkakaroon din ng maulap na papawirin at mga pag-ulan dulot ng northeast monsoon.