-- Advertisements --

Patuloy na magdadala ng maulap na papawirin at mga pag-ulan sa ibang parte ng bansa ang tatlong weather system na northeast monsoon o ‘amihan’, easterlies, at intertropical convergence zone (ITCZ) ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (Pagasa).

Batay sa ulat ng state weather bureau kaninang alas-5 ng umaga, ang northeast monsoon ay makakaapekto sa hilaga at gitnang bahagi ng Luzon, habang ang easterlies naman ay makakaapekto sa mga bahagi ng Luzon at Visayas.

Inaasahan din na magdudulot ng mga pag-ulan ang ITCZ sa Palawan at Mindanao.

Ayon pa sa weather specialist na si Castañeda, ang northeast monsoon ay inaasahang unti-unting magpapahina sa mga susunod na araw, na magiging senyales ng opisyal na pagsisimula ng tag-init at tag-tuyot sa bansa.

Gayunpaman, ang easterlies, o mga maiinit na hangin na nagmumula sa karagatang Pasipiko, ay maaaring magdulot ng mga kalat-kalat na pag-ulan, kulog, at kidlat sa mga lugar tulad ng Catanduanes, Sorsogon, at Masbate. Magdudulot din ito ng mga isolated rains sa Mimaropa (Mindoro, Marinduque, Romblon, at Palawan), Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, at Quezon), at Bicol region.

Samantala, ang ITCZ ay magdadala ng pag-ulan sa Palawan, partikular sa katimugang bahagi nito, at sa buong Mindanao. Inaasahan din na patuloy itong magpapatuloy sa mga nabanggit na lugar sa susunod na dalawang araw.

Wala namang gale warning na ipinalabas, ngunit pinayuhan ng waether bureau ang mga mangingisda na mag-ingat sa pamamalaot lalo na sa Southern Luzon at Visayas dahil sa katamtamang kalagayan ng dagat.

Pinapayuhan din ang mga residente sa mga apektadong lugar na maging alerto sa posibleng pagbaha at pagguho ng lupa.