Patuloy na makakaapekto ang shear line, northeast monsoon, at easterlies sa lagay ng panahon sa karamihan ng lugar sa Pilipinas ngayong Linggo, ayon ‘yan sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Batay sa weather forecast monitoring ng state weather bureau isa sa mga nagdadala ng patuloy na mga pag-ulan sa rehiyon ng Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region, Bicol Region, at mga lalawigan ng Aurora at Quezon ay ang northeast monsoon o “amihan” kung saan makakaranas ang ilang mga lugar dito ng mga maulap na papawirin.
Samantala, ang Metro Manila naman at ang natitirang bahagi ng Luzon ay makakaranas ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may mga isolated na light rain dahil parin sa northeast monsoon.
Habang ang easterlies naman ay magdudulot ng maulap na papawirin na may mga kalat-kalat na ulan at thunderstorms sa mga rehiyon ng Caraga, Davao, Zamboanga Peninsula, at mga lalawigan ng Sarangani, Basilan, Sulu, at Tawi-Tawi. Ang natitirang bahagi naman ng Mindanao ay makakaranas ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na papawirin na may mga isolated rain o thunderstorms dulot parin ng easterlies.
Magdudulot naman ang shear line ng maulap na kalangitan, kalat-kalat na pag-ulan, at mga isolated thunderstorms sa lalawigan ng Palawan at sa buong Visayas.
Itinaas naman ang mga paalala sa mga lugar na madalas bahain dahil ang mga nasabing weather system na makakaapekto sa mga nasabing lugar ay posibleng makaranas ng pagbaha o pagguho ng lupa dulot ng katamtaman hanggang sa minsananang malalakas na pag-ulan.
Sa ulat ng state weather bureau asahan din ang malalakas na alon sa hilagang-silangan ng Luzon dahil sa malakas na hanging papawi sa karagatan habang ang Visayas ay makakaranas din ng katamtamang malalakas na hangin hanggang sa katamtamang mga alon.
Ang natitirang bahagi ng bansa ay makakaranas ng magaan hanggang sa katamtamang northeast winds at katamtamang alon sa mga coastal waters.
Pinapayuhan ang mga residente sa mga apektadong lugar na maging updated sa mga pinakahuling ulat ng panahon.