Magdadala ng mga pag-ulan ang 3 weather systems sa karamihan sa mga lugar sa bansa ngayong araw ng Lunes.
Ang shear line ay makakaapekto sa eastern section ng central at southern Luzon na magdadala ng kalat-kalat na mga pag-ulan at thunderstorms sa Bicol region, Marinduque, Romblon, Oriental Mindoro, Batangas, Laguna, Rizal, Quezon at Aurora.
Parehong lagay ng panahon din ang iiral sa Visayas, Mindanao at Palawan dahil sa intertropical convergence zone (ITCZ). Habang katamtaman hanggang sa mabibigat na mga pag-ulan naman ang inaasahang mararanasan sa Quezon, Aurora, Camarines Norte, Camarines Sur, Catanduanes, Albay, Sorsogon, Marinduque, Oriental Mindoro, Palawan, Northern Samar, Eastern Samar, at Dinagat Islands.
Samantala, makakaapekto naman ang hanging amihan sa northern Luzon na magdadala ng mga pag-ulan sa Cagayan valley at Cordillera Administrative Region (CAR) at isolated light rains sa Ilocos region at nalalabing bahagi ng Central Luzon.
Iiral naman ang isolated rain showers dala ng localized thunderstorm sa nalalabing bahagi ng bansa.
Sa datos kaninang alas-2 ng madaling araw, walang low pressure area ang namonitor na posibleng mabuo bilang bagyo.