-- Advertisements --

Nagkakaisang inanunsyo nina Senator “Ping” Lacson, Senator Manny Pacquiao, dating Defense Secretary Norberto Gonzales, at Manila Mayor “Isko” Moreno na hindi nila iuurong ang kandidatura sa pagka-pangulo.

Pahayag ito ng apat na presidential candidates sa ginanap na joint press conference sa Manila Peninsula Hotel sa Makati City, kasabay ng Easter Sunday.

Ayon kay Isko, ang bawat isa sa kanila ay magpapatuloy sa kani-kanilang indibidwal na kandidatura upang maging karapat-dapat na pagpilian ng mga mamamayang Pilipino.

“Kami, pangalawa ay magsasanib puwersa upang labanan ang anumang pagtatangka upang baluktutin ang totoong pagpapasya ng taongbayan sa pamamagitan ng paggalaw na hindi kanais-nais o maglilimita sa malayang pagpili ng ating kababayan,” wika pa ni Moreno.

Nakapirma rin aniya sa parehong statement si Pacman ngunit padating pa lamang sa venue nang kanyang basahin sa publiko.

Nabatid na mahigpit ang seguridad sa labas pa lamang ng nasabing hotel sa Makati.

Una nang inihayag ng ilang analysts na ang 2022 presidential polls ay mistulang two-way fight sa pagitan nina Sen. “Bongbong” Marcos at Vice President “Leni” Robredo na sila ring mahigpit na naglaban sa vice presidency inoong 2016 elections.

Ngayong araw ay eksakto tatlong linggo na lamang bago ang halalan sa darating na May 9.