-- Advertisements --
COMELEC REGISTRATION

Aprubado na ng Commission on Elections (Comelec) ang pagpapalawig pa ng voters registration matapos hilingin ng dalawang kapulungan ng Kongreso maging ng maraming kababayan na nais magparehistro.

Ito ang kinumpirma sa Bombo Radyo ni Comelec Commissioner Rowena Guanzon.

Ayon sa kanya, ang extension ng voters registration ay isasagawa pagkatapos ng COC filing sa Oktubre 11 hanggang Oktubre 31.

Bago pa man ang en banc session ng Comelec naging adbokasiya na ni Guanzon magkaroon ng extension sa rehistrasyon.

Una rito ang voters registration ay magtatapos na sana ngayong Setyembre 30.

Ang unang walong araw kasi ng buwan ng Oktubre ay nakalaan na para sa filing ng certificate of candidacy (CoC) para sa mga kandidatong tatakbo sa 2022 national at local elections.

Kasabay nito, hiniling naman ni Comelec Spokesperson James Jimenez sa mga botante na i-dowload ang voter registration form sa website ng Comelec.

Paliwanag niya, mas mapapadali ang pagrehistro kapag na-download na mismo ng mga botante ang registration form.

Kapag magpaparehistro, huwag daw kalimutang dalhin ang kanilang valid ID maging ang photocopy nito, ballpen at downloaded forms.

Samantala, sa pinakahuling datos mula sa Comelec, mahigit 63 million na ang kabuuang botante sa bansa at mahigit limang milyon dito ang mga bagong botante.