-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Walang tigil ang opensiba ng Armed Forces of the Philippines (AFP) laban sa New People’s Army (NPA).

Sa panayam dito sa Baguio City, sinabi ni AFP chief of staff General Eduardo Año na mula nang ibasura ni Pangulong Rodrigo Duterte ang unilateral ceasefire sa Communist Party of the Philippines (CPP-NPA) noong February 4, nakapagtala na ng 30 engkuwentro ang militar.

May average na dalawang sagupaan kada araw ang narereport.

Sa nasabing bilang ng mga bakbakan, 40 rebelde ang na-neutralized, 12 dito ang patay, 15 ang naaresto at pito ang sumuko.

Binigyang-diin ni Año na bagama’t bukas sila sa posibleng pag-resume ng peacetalks sa CPP-NPA, kailangan nilang tuparin ang inatas ng pangulo.

Kailangan din aniya magpakita ng gesture of sincerity ang NPA para magbalik muli ang usaping pangkapayapaan.

Una rito nanawagan si Defense Secretary Delfin Lorenzana sa publiko na makiisa sa kampanya ng pamahalaan laban sa NPA.