Sabay-sabay na nanumpa ang nasa 30 dating miyembro ng New People’s Army (NPA) sa watawat ng Pilipinas.
Ito’y matapos magpasya ang mga dating rebelde na ganap nang talikuran ang armadong pakikibaka at sa halip ay magbalik loob na sa gobyerno.
Pinangunahan ni newly promoted NCRPO Chief MGen Vicente Danao Jr., ang simpleng seremonya na isinagawa sa Camp Bagong Diwa, Taguig City kaninang umaga.
Sinaksihan naman ito nina Armed Forces of the Philippines – Joint Task Force National Capital Region (AFP JTF NCR) Commander B/Gen. Marceliano Teofilo at DILG NCR Director Maria Lourdes Agustin.
Matapos manumpa sa watawat ng Pilipinas na siyang tanda ng kanilang pagbabalik loob, isa- isa naman silang lumagda sa tinaguriang “wall of the covenant” na simbulo ng kanilang ganap na katapatan sa sambayanang Pilipino
Ayon kay Danao ang mga nagsisukong dating rebelde ay makakakuha ng tulong at suporta sa pamahalaan batay sa Executive Order #70 na lumikha sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict o ELCAC.
Sinabi ni Danao, nuong siya pa ang regional police director ng Calabarzon ay marami na rin na mga NPA sa nasabing rehiyon ang kanilang napasuko.
Aniya, ang nasa 30 mga dating NPA rebels na sumuko ilan dito ay mula pa sa ibang rehiyon na nakumbinsi ng kanilang mga kasamahan na magbalik loob na sa gobyerno.
Karamihan sa mga surrenderees ay mga truck drivers na ginagawang “milking cow” ng NPA.
Giit nito, panahon na para itigil ang ginagawang pang-aabuso ng komunistang grupo.
Naniniwala si Danao na malaki ang kontribusyon ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict para labanan ang banta ng Communist Terrorist sa Bansa.