LEGAZPI CITY – Natanggap na ng mga rebel returnee sa lalawigan ng Masbate ang 30 fiber boats na ipinamahagi ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR)-Bicol bilang bahagi ng social integration program ng pamahalaan.
Ayon kay BFAR Bicol spokesperson Nonie Enolva sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, layunin nito na mabigyan ng hanapbuhay ang mga dating kasapi ng rebeldeng New People’s Army (NPA) na nagbalik loob sa pamahalaan.
Dagdag pa ng opisyal na maaari nang magamit ang naturang mga bangka sa pangingisda ng mga ito upang makatulong sa kanilang kabuhayan.
Aniya, inilalatag ng pamahalaan ang lahat ng programa na maaaring lahukan ng mga ito lalo na ang mga malapit sa coastal community subalit kung nasa bulubundukin naman naninirahan ang mga ito ay inaalok ang backyard fishpond operations o farming.
Umaasa si Enolva sa pamamagitan ng mga programa ng pamahalaan ay mahihikayat ang iba pang mga local terrorist na sumuko na rin upang makapagbagong buhay.