-- Advertisements --

Asahan na raw ang nasa 30 percent na pagtaas ng tourist arrivals ngayong unang araw ng pagluluwag na ng bansa sa mga panuntunan sa pagpapapasok sa mga foreign tourist dito sa Pilipinas.

Ayon kay BI port operations division (POD) chief Atty. Carlos Capulong, inaasahan daw nila sa ngayon ang 7,000 arrivals ngayong araw kumpara sa 4,816 na dumating kahapon.

Posible naman umanong lolobo pa ito sa 10,000 hanggang 12,000 ang tourists arrival kada araw sa mga susunod na buwan.

Karamihan daw sa mga travellers sa bansa ngayon ay mga Pinoy at nasa 27 percent naman na mga foreign nationals.

Kasunod nito, ipinag-utos na rin ni BI Commissioner Jaime Morente sa kanilang mga port personnel na maging mapagmatyag at siguruhing ang mga elligible aliens lamang ang makapasok.

Aniya inaasahan din nilang karamihan sa mga dadating ngayong araw ay ang mga pamilya, mahal sa buhay at partners ng mga Pinoy para sa first wave ng mga tourist arrivals.

Una rito, sa panayam ng Bombo Radyo Philippines kay BI Spokesperson Dana Sandoval, sinabi nitong all set na rin ang mga BI personnel sa iba’t ibang paliparan na aalalay sa mga dadating sa bansa.

Tiniyak nitong sapat ang kanilang mga tauhan sa iba’t ibang paliparan para maging maayos pa rin ang pagdating ng mga ito at mapanatili ang mga minimum health protocols na itinakda ng Inter Agency Task Force (IATF).