DAVAO CITY – Tatlumpung mga inmates ng Toril Police Station sa lungsod ng Davao ang nagpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Dahil dito, isinailalim kaagad sa lockdown ang naturang police station at inilunsad ang mahigpit na contact tracing sa mga taong dumalaw nitong mga nakaraang araw.
Inihayag ni City Health Officer Dr. Josephine Villafuerte, noong Oktobre 1 isinailalim sa swab test ang 32 mga inmates bilang standard operating procedure bago ilipat ang mga ito sa Davao city Jail.
Subalit batay sa resulta ng RT-PCR test, 30 sa kanila ang nagkaroon ng positive result.
Dahil dito, kaagad na naglagay ng sariling isolation facility sa loob mismo ng Toril Police Station para sa naturang mga bilanggo.
Nilinaw ni Davao City Police Office Director, PCol. Kirby John Kraft na hindi maaaring ilagay sa temporary treatment monitoring facility ng lokal na pamahalaan ng lungsod ang naturang mga preso dahil na rin sa security reason kung saan kinakailangan ng karagdagang pwersa ng PNP upang bantayan ang mga ito.
Samantala, isinailalim na rin sa swab test ang lahat ng mga tauhan ng Toril PNP upang masiguro ang kanilang kalusugan.
Muli namang isasailalim sa swab test ang mga inmates matapos ang 14-day quarantine period bago sila tuluyang dalhin sa Davao City Jail.