-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Nangunguna ngayon sa unang distrito sa probinsya ng Cotabato lalo na sa PPalma Area ang bayan ng Midsayap sa may pinakamaraming kumpirmadong kaso ng Human Immunodeficiency Virus o HIV para sa taong 2021.

Batay sa talaan sa unang quarter ng taong kasalukuyan, abot na sa 30 mga indibidwal ang kumpirmadong may HIV sa bayan.

Sinundan naman ito ng bayan ng Pigcawayan at Aleosan.

Sa pagtaya ng mga health experts, malaking tulong ang malawakang kampanya ng pamahalaan pati na ng mga pribadong sektor sa pagpapalaganap ng kaalaman na may kaugnayan sa sakit at ang paghihimok sa mga ito na sumailalim sa HIV test dahil sa mataas na bilang ng mga naserbisyuhan ng HIV Testing Hub na nakabase sa Midsayap.

Maliban sa mga bayan ng PPALMA Area ay tumatanggap din ang HIV Testing Hub ng mga nais magpasuri mula sa Banisilan at mga karatig-bayan sa lalawigan ng Maguindanao.

Patuloy namang hinihimok ng local health officials ang mga mamamayan na tumungo lamang sa Amado Diaz Provincial Hospital sa bayan ng Midsayap upang makapagpasuri at nang malaman kung ligtas sa sakit na HIV.

Tiniyak naman ng mga ito na libre ang pagsasailalim sa HIV Test at magiging confidential ang mga impormasyon ng mga kliyente.

Maliban pa rito, nagbibigay din sila ng libreng gamot sa mga kumpirmadong nagpositibo sa sakit.