-- Advertisements --
DR. SALOMA BNN
IMAGE | UP Philippine Genome Center Executive Director Dr. Cynthia Saloma

MANILA – Binigyang-diin ng isang eksperto ang kahalagahan ng pagtanggap ng kompletong doses ng COVID-19 (Coronavirus Disease 2019) vaccine, lalo na’t patuloy na kumakalat ang mga “variant” ng virus.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ng molecular biologist at executive director ng University of the Philippines – Philippine Genome Center (UP-PGC) na si Dr. Cynthia Saloma, na mababa ang proteksyong ibinibigay ng isang vaccine dose laban sa Delta variant.

“(Its) very very important na magpa-vaccinate tayo kung ating turn na. Kapag hindi ka vaccinated, vulnerable ka. Kapag isa lang at incomplete ang vaccination mo, 30% lang ang proteksyon sayo against hospitalization and developing severe symptoms.”

Ang Delta variant (B.1.617.2), na unang nadiskubre sa India, ay sinasabing mas nakakahawa kompara sa Alpha (B.1.1.7) at Beta (B.1.351) variant.

May kakayahan din aniya ito na labanan ang bisa ng mga COVID-19 vaccines.

Pero ayon kay Saloma, may pag-aaral ng lumabas sa United Kingdom na aabot pa rin sa 80 hanggang 90% ang bisa ng Pfizer at AstraZeneca vaccine laban sa Delta variant, kapag dalawang doses nito ang itinurok.

“Itong Delta variant could be the most concerning variant particularly to the unvaccinated.”

Bukod sa pagpapabakuna, ipinaalala rin ng eksperto ang kahalagahan ng pagsunod sa health protocols.

Sa huling tala ng Department of Health, mayroon ng 17 kaso ng Delta variant sa Pilipinas. Isa na ang namatay, isa ang nagpapagaling pa, at 15 ang gumaling na.

‘DELTA VARIANT,’ MAS NAKAKAHAWA

Ang Delta variant ang itinuturong responsable sa naranasang “surge” o pagsirit sa COVID-19 cases ng India noong Abril.

Ito rin ang sinisisi sa muling pagtaas ng mga kaso ng coronavirus sa United Kingdom.

Paliwanag ni Saloma, kompara sa orihinal na variant ng SARS-CoV-2 virus na mula sa China, mas nakakahawa ang anyo ng Delta variant.

“‘Yung original virus na nakita sa Wuhan was about yung isang tao kayang mag-infect ng dalawang tao, itong Delta variant pwedeng mag-infect ng walo.”

“Mataas ang kanyang transmissibility at ability to be contagious.”

Katulad ng Alpha, Beta, at Gamma (P.1) variants, mayroon ding kakayahan ang Delta variant na labanan ang epekto ng COVID-19 vaccines.

“Kailangan talaga whatever it is, we have to be very very careful.”