Inaasahan ng Department of Tourism (DOT) na bibisita sa bansa ang nasa 30 milyong Pilipino at dayuhang turista sa mga sikat na tourist destination sa darating na Holy Week sa susunod na linggo.
Sa isang statement, tinukoy ng ahensiya na posibleng maging pangunahing destinasyon ngayong taon ang Cebu, Bohol, Boracay, Palawan, Siargao, Baguio, Batangas, Ilocos Norte, Ilocos Sur, Pampanga, Pangasinan at Puerto Galera.
Gayundun nakikita ng kagawaran na darayuhin ng mas marami pang turista ang Camiguin, Siquijor, Cagayan de Oro, Davao at Saranggani.
Habang sa Maynila kung nasaan ang makasaysayang walled city ng Intramuros, maaaring pumalo sa 2.4 million turista ang maitala sa holy week.
Kaugnay ng inaasahang mataas na bilang ng mga turistang bibisita sa bansa, hinihikayat ni Tourism Secretary Christina Frasco ang mga ito na mag-book sa mga hotel na accredited sa DOT para sa ligtas at convenient na bakasyon o pananatili sa bansa.
In-activate na rin ng ahensiya ang regional operations center nito para i-monitor ang tourism destinations sa bansa.
Maaari namang tawagan ang DOT Tourist Assistance Call Center na 151-TOUR (151-8687), o mobile number 0954-253-3215 para sa mga turistang mangangailangan ng tulong. Ang call center ay 24/7 na nago-operate at nagbibigay ng multilingual support kabilang ang Korean at Mandarin.