Nasa 30 tauhan ang idineploy ng PNP Internal Affairs Service (AS) para bantayan ang mga pulis na naka-assign sa mga checkpoint at iba pang matataong lugar.
Ayon kay PNP-IAS Inspector General Alfegar Triambulo, sisiguraduhin ng kanilang mga tauhan na tama ang ginagawang trabaho ng mga pulis sa pagpapatupad ng quarantine protocol.
Napansin kasi nila na tila hindi nasusunod ang social distancing sa mga palengke kaya nagpadala sila ng mga tauhan para ma-check kung yung mga pulis na naka-assign doon ay talagang nag-du-duty at ginagawa ang kanilang trabaho.
Babala naman ni Atty. Triambulo sa mga police frontliners na wala talaga sa kanilang pwesto, maliban kung kumain lang sandali ay kakasuhan ng AWOL at simple neglect of duty.
Dagdag pa ni Triambulo, deretso nilang isinusumite kay PNP chief Gen. Archie Francisco Gamboa ang kanilang daily assessment report.