-- Advertisements --

ILOILO CITY – Mahigit sa 30% ng mga batang Pilipinong mula kindergarten hanggang grade 3 ay hindi marunong magbasa at umunawa ng simpleng kwento.

Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Ina Aquino, Chief of Party for ABC+ Project ng United States Agency for International Development (USAID), ang nasabing problema ay dahil sa epekto ng pandemya kung saan matagal ang pagpapatupad ng distance learning.

Ayon kay Aquino, ang resulta ay kasunod ng Comprehensive Rapid Literacy Assessment ng Department of Education sa mga eskwelahan sa Rehiyon 5 at 6.

Anya, ipinapakita ng ulat na dapat bigyang prayoridad ang face-to-face classes.

Dapat din aniyang magkaroon ng learning recovery program na magpapabilis ng paghabol ng mga estudyante sa mga mahahalagang asignatura.

Binigyang diin din ni Aquino ang kahalagahan ng pagpapatupad ng mga repormang mag-aangat sa kalidad ng edukasyon na dapat ay makatutulong sa lahat ng mamamayang Pilipino.