-- Advertisements --

Inanunsyo ng health officials mula Italya na halos 30 percent ng mga indibiwal na may antibodies na dahilan ng coronavirus disease ay hindi umano nakaramdam ng kahit anong sintomas ng sakit.

Ito’y matapos ang isinagawang antibody test ng health ministry sa halos 65,000 katao sa loob ng tatlong linggo.

Nabatid ng mga ito na nasa 1.48 milyong katao ang nagkaroon ng antibodies, katumbas ito ng 2.5 percent ng populasyon sa nasabing bansa. Ang naturang bilang ay anim na beses na mas mataas kaysa sa kumpirmadong kaso ng deadly virus sa Italy.

Ayon sa mga opisyal, 27.3 percent ng mga ito ang hindi nakaramdam ng kahit anong sintomas tulad ng ubo, lagnat o pagkawala ng panlasa at pang-amoy.

Hindi pa raw malinaw sa World Health Organization (WHO) kung gaano na kalala ang pagkalat ng virus dulot ng mga asymptomatic carriers.

Nananawagan naman ang gobyerno ng Italya sa kanilang mamamayan na palaging magsuot ng face masks at sumunod sa umiiral na social distancing para hindi na kumalat pa ang sakit.