BUTUAN CITY – Matagumpay na nailigtas ng mga mangingisda at ng mga otoridad ang 30 mga pasahero mula sa isang sasakyanang pandagat matapos itong magka-aberya sa kanilang paglalayag kahapon.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag ni PLCol. Alvin Gumacal, ang regional chief ng Philippine National Police o PNP-Maritime Caraga, mula umano sa Brgy. Caub, sa bayan ng Del Carmen, Siargao Islands, Surigao Del Norte ang bangkang de-motor at patungo sanang Surigao City nang ito’y magka-aberya sa laot.
Mabuti na lang at may nakakita sa kanilang iilang mangingisda na syang tumawag sa Surigao Del Norte Maritime Police Station kung kaya’t kaagad na na-rescue ang mga pasahero, kasama ang mga tauhan ng Philippine Coastguard na nadestino sa bayan ng Dapa, Surigao Del Norte.
Ayon kay Gumacal, naputol umano ang kaliwang katig ng bangka kung kaya’t ito’y muntikan nang tumaob.