VIGAN CITY – Mahigit 30 mga Pilipino ang magsisilbing wasit jury o referee sa larangan ng pencak silat sa isasagawang 30th Southeast Asian Games sa bansa sa susunod na buwan.
Isa sa mga mapalad na napili mula sa pribadong sektor si Evelyn Tabutol na taga-Sto. Domingo, Ilocos Sur.
Ibinahagi sa Bombo Radyo Vigan ni Tabutol na napili umano ito bilang isa sa mga magsisilbing wasit jury ng pencak silat pagkatapos ng kanilang seminar noong September 19 hanggang 23 at pre-test activity noong October 13 hanggang 15.
Sa ngayon, kaniya-kaniya muna silang paghahanda para sa kanilang pagsisilbi bilang referee at scorer o wasit jury ngunit bago ang kanilang aktwal na pagsalang sa SEA Games ay dadaan muna sila sa dalawang araw na refresher course upang pag-aralan muli kung ano ang kanilang gagampanang trabaho, kasama na ang tamang scoring at mga penalty na kanilang ipapataw.
Maliban pa rito, patuloy din umano ang kanilang pag-aaral at pagbabasa sa manual para sa larong pencak silat na isang uri ng combat sports na orihinal na nagmula sa Indonesia.