-- Advertisements --

Tila magkakahalong emosyon ang nararamdaman ni Film Development Council of the Philippines (FDCP) Chair Liza Diño sa kondisyon ng entertainment industry sa gitna ng coronavirus pandemic.

Sa Laging Handa briefing kanina, inihayag ng partner ni Ice Seguerra na tinatayang 480 production shoots o nasa 30% na ang nakapagsimulang muli kaakibat ang health protocols.

Gayunman, hirap pa ring makabawi ang mga ito sa P10 bilyong pagkalugi lalo tumaas din ng 30% ang gastos sa production para sa safety protocols.

“COVID19 pandemic has caused P10 billion in box office losses, as cinemas remain closed,” ani Diño.

Nitong Mayo nang magpasaklolo na sa pamahalaan ang 38-year-old beauty queen turned actress dahil sa nanganganib aniya na tuluyang pagbagsak ng mga nasa ilalim ng kanilang sektor kabilang ang film, television, animation, gaming, live events, weddings, concerts, at clubs.

Alam naman daw nito na hindi maituturing na “essential” ang mga entertainment-related businesses pero sana ay huwag naman silang makalimutan lalo’t sila ang naging sentro ng libangan ng taongbayan noong wala pang deadly virus.

“We are the first to be canceled and we will be the last to recover because our industry constitutes mass gathering.”