ROXAS CITY – Umaabot sa halos 30 manggagawa sa isla ng Boracay ang nanawagan ng tulong sa Bombo Radyo upang sila ay makauwi sa lalawigan ng Capiz.
Ito’y matapos naabutan sila ng ipinatupad na lockdown sa isla kasabay ng Enhanced Community Quarantine dahil sa coronavirus disease (COVID-19) pandemic.
Ayon kay Jamela Aranton, ramdam na nila ang hirap sa ngayon lalo na’t wala silang trabaho kasunod ng pagsara ng kani-kanilang pinagtatrabahuang hotels at establishments sa isla.
Aniya wala silang ibang nais sa ngayon kundi ang makauwi sa lalawigan dahil wala naman silang ibang mapagkakakitaan sa lugar.
Inihayag nito na ipinasiguro na sa kanila ng lokal na pamahalaan ng lungsod ng Roxas na tutulungan ang mga ito nguni’t hindi pa nila mabatid kung ito ba ay pinansiyal na tulong o relief packs.
Umaasa itong sa pamamagitan ng Bombo Radyo ay mapaabot sa kinauukulan ang kanilang sitwasyon at kaagad mabigyan ng agarang solusyon.