CAGAYAN DE ORO CITY – Hinikayat muli ng 4ID,Philippine Army ang nasa mahigit-kumulang 30 porsyento na lang na armadong miyembro ng New People’s Army (NPA) na tuluyang itakwil ang kilusang insurhensiya na malaking balakid sa kaunlaran sa Hilagang Mindanao at buong Caraga region.
Ginawa ni 4ID assistant division commander Brig Gen Consolito Yecla ang mensahe dahil sa higit 70 porsyento ng puwersa ng CPP-NPA sa kanilang area of operations ang napabagsak dahil sa pagpapatupad ng whole of the national approach at walang tigil na pagtugis sa mga patuloy na nakipaglaban sa pamahalaan.
Sinabi ng heneral na kung nasa 30 porsyentong puwersa na lang ang ibubuga ng armed wing ng CPP, higit 70 bahagdan naman ang ipinapakilos ng gobyerno upang tuluyang bumagsak ang kilusan sa dalawang malaking rehiyon sa Mindanao.
Dagdag ni Yecla na hindi pa man perpekto ang mga pagsagot ng gobyerno sa mga isyung panlipunan subalit malaki na ang pinag-iba nito kumpara sa nagdaang mga panahon.
Binigay ito na mensahe ng heneral kasunod nang pagsuko ng halos 40 NPA members na kusang tinanggap naman ng pamahalaan at government state forces sa headquarters ng 403rd IB,Philippine Army ng Bukidnon.