Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) na dumating na sa Pilipinas ngayong araw ng Lunes, Enero 6 ang limitadong bilang ng 300 Afghan nationals, nasa kalahati ay minors.
Inaasahang mananatili ang mga ito sa ating bansa ng hindi lalagpas sa 59 na araw habang inaantay ng mga ito na maproseso ang kanilang Special Immigrant Visas applications sa US Embassy sa Manila bago ganap na makalipat at manirahan sa Amerika.
Ito ay sa bisa ng temporary arrangement sa pagitan ng US at PH na inaprubahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Setyembre 25, 2024 sa kabila ng mga pangamba ng ilang mambabatas sa potensiyal na banta sa seguridad at legal issues sa pananatili ng nasabing mga Afghan national sa ating bansa.
Subalit una ng nilinaw na ang nasabing Afghan nationals ay hindi refugees at hindi banta sa seguridad ng Pilipinas.
Ang 300 Afghan nationals ay nagtrabaho para sa Amerika doon sa Afghanistan na naiwan nang muling kubkubin ng militanteng Taliban ang Afghanistan noong 2021.
Ayon naman kay Foreign Affairs Spokesperson Ma. Teresita Daza, inisyuhan ng DFA ng kaukulang PH entry visa ang nasabing mga Afghan national alinsunod na rin sa mga umiiral na patakaran at mga regulasyon.
Sumailalim din ang mga ito sa full medical screening bago dumating sa bansa.
Pansamantalang mananatili ang mga ito sa isang hindi pinangalanang pasilidad na pinondohan ng US government at kargo din nito ang lahat ng kinakailangang mga serbisyo ng mga Afghan kabilang ang kanilang pagkain, bahay, medical care, seguridad at transportasyon hanggang sa makumpleto ang pagproseso sa kanilang US visa.
Nilinaw naman ng DFA official na hindi ilalagay ang mga Afghans sa alinmang EDCA sites sa bansa.
Ang staff na kinontrata ng US government ang magbibigay ng seguridad sa mga ito sa nasabing premises, kung saan lahat ng mga ito ay nasa ilalim ng direct supervision ng Philippine National Police (PNP).