Tinutulungan ng Department of Migrant Workers ang daan-daang overseas Filipino worker na nakabase sa Kuwait na makauwi habang target din ito na “i-upgrade” ang mga migrant workers shelter nito na dating nasa ilalim ng Philippine Overseas Labor Offices.
Sinabi ni Migrant Workers Undersecretary for Foreign Employment and Welfare Services Hans Cacdac na kasalukuyang nasa 421 OFWs ang nagsiksikan sa loob ng isang “Kalinga” (care) shelter sa Kuwait.
Karamihan sa mga OFW ay naghihintay ng clearance mula sa kanilang mga amo para makauwi ng walang isyu, habang may mga nakabinbing kaso.
Aniya, tinitingnan nila ang posibilidad na maiuwi ang higit sa kalahati o humigit-kumulang 300 sa mga ito sa susunod na dalawang linggo.
Ang lahat ng gastusin sa repatriation program ay sasagutin ng Department of Migrant Workers at ng kaakibat nitong ahensya, ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Ang gobyerno ay magbibigay ng tulong pinansyal sa mga OFW gayundin ng mga opsyon para sa reintegration kapag sila ay nakauwi.
Kung maalala, nagpadala ng delegasyon ang Department of Migrant Workers (DMW) sa Kuwait matapos makita ni Migrant Workers Secretary Susan “Toots” Ople ang kalagayan ng pamumuhay ng daan-daang OFW sa pamamagitan ng virtual inspection.
Si Cacdac kasama sina Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Administrator Arnell Ignacio at Social Welfare Attaché Bernard Bonino ang dumating sa nasabing bansa noong weekend.