Naglalaro umano sa 300,000 hanggang 1-milyon ang bilang ng mga empleyadong nanganganib na hindi mabigyan ng 13th month pay sa darating na Pasko kung hindi magpapautang ang gobyerno.
Matatandaang ipinag-utos ng Department of Labor and Employment (DOLE) na walang mangyayaring pagpapaliban sa pagbibigay ng Christmas bonus sa mga manggagawa ngayong taon.
Ayon kay Sergio Ortiz-Luis Jr. presidente ng Employers Confederation of the Philippines (ECOP), karamihan sa nasabing bilang ay nanggaling sa mga micro business o mga maliliit na negosyo, na walang kakayanang magbigay ng bonus dahil sa pagkalugi na epekto ng coronavirus pandemic.
Paglalahad pa ni Ortiz-Luis, kalahati raw ng mga micro business sa bansa ay nagsara na, habang ang kalahati ay marginally operating na lamang.
Batay sa datos, sa mahigit kumulang 1-milyong establisimyento sa bansa, mahigit 90 porsyento ay micro, small and medium enterprises.
Sa kabila nito, nanindigan naman si DOLE Sec. Silvestre Bello III na alinsunod sa batas ang inilabas nilang kautusan na walang mangyayaring deferment ng 13th month pay.
“Mayroon pong batas, ‘yung P.D. 851 na malinawag na iiuutos na ‘yung ating mga employers ay dapat ibigay ang 13th month pay ng kanilang mga empleyado on or before December 24,” wika ni Bello sa panayam ng Bombo Radyo.
Sinabi pa ni Bello, naghain na raw sila ng proposal sa Department of Finance na kung maaari ay bigyan ng subsidiya ang mga maliliit na negosyo na hindi kayang magbigay ng 13th month pay.