Inihayag ng Metropolitan Manila Development Authority na nakakolekta na sila ng aabot sa halos 300,000 kilo ng recyclable materials mula nang simulan ang “Recyclables Mo, Palit Grocery Ko” na inisyatiba ng kanilang ahensya.
Ang programa na inilunsad noong 2021 ay bahagi ng inisyatiba ng ahensya sa ilalim ng Metro Manila Flood Management Project Phase 1 upang alisin ang mga basura na kung basta-basta itatapon ay maaaring makabara sa mga daluyan ng tubig sa panahon ng tag-ulan.
Ayon kay MMDA Chairperson Romando Artes, ang mga recyclable materials ay kinokolekta ng mobile materials recovery facility ng ahensya na napupunta sa iba’t ibang barangay na nangongolekta ng mga recyclable mula sa mga residente.
Sa ilalim ng proyekto, ang mga residente ay nakakakuha ng mga puntos para sa bawat recyclable materials tulad ng mga bote, papel at lata, at ang mga puntos ay maaaring ipagpalit sa mga pangunahing bilihin tulad ng asukal, langis, at mga de-lata.
Sinabi pa ni Artes na P1.3 milyon ang halaga ng grocery items na natanggap ng mga residenteng nangongolekta at nag-turn over ng mga recyclable materials.
Ang mga nakuha at na-redeem na puntos ng bawat residente ay nakatala sa kanilang sariling Ecosavers Passbook na ibinigay ng MMDA.
Samantala, sinabi ni Artes na nakakolekta ang ahensya ng 25 truckloads ng basura mula sa mga lugar sa Metro Manila bilang bahagi ng partisipasyon nito sa inter-agency cleanup drive na KALINISAN (Kalinga at Inisyatiba para sa Malinis na Bayan) sa Bagong Pilipinas na pinangunahan ng Department of Interior and Local Government at Lokal na Pamahalaan.
Bukod sa clean-up na isinagawa sa kick-off ceremony sa Baseco Compound sa Tondo, Maynila, 16 pang cleanup operations sa iba’t ibang lokasyon bawat lungsod sa metropolis ang isinagawa ng humigit-kumulang 350 tauhan na naka-deploy para sa aktibidad.