Sumasailalim na ngayon sa training sa paggamit ng yantok ang nasa 316 police trainee ng National Capital Region Police Office (NCRPO).
Kahapon, sinimulan ang pagsasanay sa paggamit ng yantok bilang bahagi ng kanilang defense tactics o self defense.
Requirement din ito bago sila isabak sa field kapag sila ay graduate na.
Ayon kay NCRPO director Brig. Gen. Vicente Danao, ang pagsasanay ng yantok ay napapanahon sa pagpapatupad ng batas at pagliligtas ng ating mga kababayan laban sa COVID-19.
Sinabi ni Danao na ang NCRPO ay patuloy na susunod sa anumang direktiba mula sa presidente at sa hepe ng pambansang kapulisan.
Una rito, ipinag-utos ni PNP chief Gen. Debold Sinas sa mga pulis na gumamit ng baton o yantok sa pagpapatupad ng physical distancing ngayong holiday season.
“Ang NCRPO ay patuloy na susunod sa anumang direktiba mula sa ating presidente at hepe ng Pambansang Kapulisan. Ang pagsasanay ng yantok/baton ay napapanahon sa pagpapatupad ng batas at pagliligtas sa ating mga kababayan laban sa COVID-19,” wika ni Gen. Danao.