Nakahanda na ang mga personnel ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para sa homecoming parade na igagawad ng pamahalaan sa mga Filipino Olympians na sumabak sa Paris Games.
Kabuuang 300 personnel ang ipapakalat ng ahensiya para sa naturang event, kasama na ang mga traffic enforcer at mga street sweeper upang umasiste sa kaayusan at kalinisan sa naturang parada.
Batay sa schedule, magsisimula ang parada alas-3 ng hapon sa Aliw Theatre at magtutuloy-tuloy hanggang sa Rizal Memorial Sports Complex.
Kabilang sa mga maaapektuhang kalsada ay ang mga sumusunod:
- V. Sotto (Aliw Theater)
- Roxas Blvd.
- P. Burgos Avenue
- Finance Road
- Taft Avenue
- Pres. Quirino Avenue
- Adriatico St.
- Rizal Memorial Sports Complex
Tiniyak naman ni MMDA Acting Chairman Atty. Don Artes na mabibigyan ang publiko ng sapat na panahon upang masilayan sina Olympic medalists Carlos Yulo, Nesthy Petecio, at Aira Villegas, kasama na ang iba pang Olympian na sumabak sa Paris Games.
Ayon pa kay Artes, ang float kung saan sasakay ang mga Olympian ay may rain cover bilang precaution kung may malakas na pag-ulan.
Samantala, kabilang sa parade component ay ang mga MMDA motorcycle units, PNP, MMDA Band, at media, habang ang mga float ng mga atleta ay isang flatbed vehicle.
Hindi naman papayagan ang iba pang mga sasakyan na sasama sa naturang parada.