Nasa 300 pulis ang inilipat sa Caloocan City mula sa iba’t ibang himpilan na siyang magiging kapalit sa mga sinibak na pulis doon.
Tig-100 pulis ang galing sa Malabon, Navotas, at Valenzuela ang inilipat sa Caloocan ngayong araw.
Ginanap ang sendoff ceremony kanina sa Northern Police District kung saan binanggit ang kanilang mga bagong assignment.
Ayon kay Police Chief Supt. Amando Clifton Empiso, Northern Police District director, ang ginawang reassignment ay para magkaroon ng reporma sa Caloocan Police na tila nasira na ang imahe at nakaapekto na sa buong National Capital Region Police Office.
Mensahe naman ni Empiso sa mga bagong pulis na inilipat, magsilbing hamon ang reassignment dahil kapag nabalik na ang “glory” ng Caloocan Police Station ay sila ang dahilan nito.
Giit ni Empiso na dapat tuluran ang ginawang kagitingan ng nasawing si PO3 Junior Hilario at ng bagong promote na si PO2 Ronald Anicete na nasaksak sa paglaban sa isang drug suspect.
Kung maaalala, sinibak sa puwesto ang mga pulis sa Caloocan matapos masangkot sa kontrobersiya dahil sa pagkamatay ni Kian Loyd Delos Santos at Carl Angelo Arnaiz.